ALAMIN: Paano iiwasan at dapat gawin kapag ‘pinulikat’ habang lumalangoy

TUWING panahon ng tag-init o summer, hinding-hindi mawawala ang beach outing, swimming, at ilang water activities kasama ang pamilya o barkada.
Pero bago tumalon sa tubig, may isa tayong dapat iwasan –ang masakit at minsang delikadong pulikat!
Alam kong marami ang nakaka-relate diyan dahil may mga pagkakataon talaga na habang nasa gitna ng kasiyahan sa tubig ay may bigla nalang mapapasigaw ng “Aray!” dahil sa pulikat o cramps.
Delikado ‘yan lalo na kung malayo ka sa pampang o kung wala kang kasama.
Baka Bet Mo: Derma to the rescue: 5 skin care tips para ‘fresh’ at ‘blooming’ pa rin sa tag-init
Kaya heto ang ilang safety tips na ibinandera pa mismo ng Department of Health (DOH) sa social media.
Bago mag-swimming
Uminom ng maraming tubig – Dapat mag-hydrate dahil kapag kulang sa tubig, mas madaling kapitan ng pulikat. Ang required ay walo hanggang sampung baso ng tubig araw-araw.
Huwag kalimutan ang electrolytes – Kapag pinapawisan nang todo, nauubos ang minerals sa katawan. Pwedeng uminom ng sports drink o kahit tubig na may kaunting asin at kalamansi.
Mag-warm up at stretching – Kahit simpleng arm circles, pagyuko-pagtayo, at short swim sa ibabaw ay malaking tulong para hindi ma-shock ang muscles mo.
Huwag lumangoy kung pagod – Kapag pagod na ang katawan, mas madaling pulikatin, kapusin sa hangin, at mawalan ng lakas sa gitna ng tubig.
Huwag lumangoy ng mag-isa – Mas safe at mas masaya kung may buddy kang kasama habang lumalangoy para sakaling pulikatin ka ay may sasaklolo agad.
Iwasan ang mabigat na kain bago lumangoy – Kumain ng light snack na may potassium gaya ng saging o yogurt at dapat one hour before ka lumangoy.
Pinulikat habang lumalangoy
Kumalma at lumutang – Mag-floating kung kaya or humawak sa gilid ng pool. Kalma lang para hindi lumala o lalong sumakit ang pulikat.
Huwag pigilan ang paghinga – Siguraduhing may rhythm ang paghinga mo. Kung mas maganda ang oxygen flow, mas happy ang muscles.
Subukang mag-unat – Kapag inunat ang kalamnan na pinulikat, natutulungan itong mag-relax at mawala ang paninigas. Para siyang tinutuwid pabalik sa normal na posisyon.
Humingi ng tulong – Humihina ang kontrol sa katawan at mas tumataas ang panganib na malunod habang pinupulikat, kaya mas mainam na sumaklolo para mailigtas agad.
Uminom ng tubig – Habang lumalangoy, pinapawisan din kahit hindi mo nararamdaman, lalo na kung maaraw o matagal sa tubig. Kaya after umahon, kailangang uminom ng tubig para maibalik ang nawalang fluids at maiwasan ang dehydration na pwedeng magdulot ng hilo, pagod, o pulikat.
Ang huling paalala ng DOH, huwag kalimutang unahin ang kaligtasan habang nag-e-enjoy sa paglangoy.
The post ALAMIN: Paano iiwasan at dapat gawin kapag ‘pinulikat’ habang lumalangoy appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments