Responsive Ad

Alice Guo kinasuhan ng DOJ ng 62 counts ng money laundering

Alice Guo kinasuhan ng DOJ ng 62 counts ng money laundering

PHOTO: Screengrab from Facebook

SINAMPAHAN ng Department of Justice (DOJ) ng 62 kaso ng money laundering si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Kasalukuyang nakakulong si Guo sa Pasig City Jail. 

Kinasuhan siya ng 26 counts ng paglabag sa Section 4(a) ng Anti-Money Laundering Act (AMLA) dahil sa mga transaksyong may kinalaman sa salaping nagmula sa ilegal na gawain.

Mayroon din siyang 5 counts ng paglabag sa Section 4(b) ng parehong batas para sa pagko-convert, paglilipat, pagbili, o paggamit ng mga nasabing ari-arian o pera.

Baka Bet Mo: Alice Guo kay Sec. Benhur Abalos: ‘Patulong, may death threats po kasi ako’

Kasama rin sa kaso si Alice, ang kanyang mga magulang na sina Jian Zhong Guo at Lin Wenyi, mga kapatid na sina Shiela at Seimen, at 26 pang opisyal ng mga kompanyang may kaugnayan sa operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO). 

Kinasuhan sila ng paglabag sa Section 4(d) ng AMLA dahil sa sabwatan sa money laundering.

Ayon sa 48-page resolution ng DOJ panel of prosecutors na inilabas ngayong taon, ang kita mula sa POGO operations sa loob ng Baofu compound na pagmamay-ari ng real estate company ni Guo ay ipinasa umano sa iba pang negosyo ng kanilang pamilya.

Ang Baofu ay naging subject ng tatlong search warrants dahil sa ilegal na operasyon ng Hongsheng, isang POGO operator, gaya ng online gambling, internet fraud, at iba pang cybercrime.

Noong 2023, higit 300 foreign nationals, karamihan ay mga Intsik, ang inaresto ng mga awtoridad matapos ang raid sa lugar.

Noong March 13 last year, muling sinalakay ang Baofu compound, ngayon ay kontrolado na ng Zun Yuan, matapos umano itong masangkot sa labor trafficking, crypto scam, love scam, at investment fraud.

Kinumpirma ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na ang kasong isinampa sa korte sa Capas nitong Biyernes, May 23, ay mula sa resolusyong inilabas noong Enero.

“Because the number of information (charge sheets) that had to be prepared and its attachments, it took a while to file,” sey ni Fadullon.

Ang kaso ng money laundering ay pang-walong kaso na laban kay Guo, na dati nang kinasuhan ng qualified trafficking in persons, civil forfeiture, graft, material misrepresentation, at falsification of public documents.

May apat pang kaso na kasalukuyang iniimbestigahan ng DOJ na may kinalaman naman sa falsification ng notary public, perjury, obstruction of justice, at paglabag sa Anti-Dummy Law kaugnay ng mga ari-arian sa Pangasinan. 

Kasama rin dito ang mga bagong kaso ng qualified trafficking at graft na may kinalaman sa mga tauhan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

The post Alice Guo kinasuhan ng DOJ ng 62 counts ng money laundering appeared first on Bandera.



Source: The Daily Feed

Post a Comment

0 Comments