PAGASA: Patuloy ang ‘improved’ weather; 1 o 2 bagyo aasahan sa Nobyembre
WALA nang bagyo sa bansa kaya asahan na mas magiging maganda ang panahon ngayong Undas.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang bagyong Leon ay nakalabas na ng ating teritoryo kaninang 1:30 a.m., November 1.
Pero paglilinaw ni Weather Forecaster Benison Estareja, posible pa rin ang saglit na mga ulan sa ilang bahagi ng bansa.
“Patuloy na humihina at ngayon ay Severe Tropical Storm na at wala nang direktang epekto sa ating bansa. Subalit nandyan pa rin ‘yung buntot nito o trough…dito sa Western section ng Luzon na siyang nagdadala pa rin po ng mga ulan at minsan ito ay malalakas,” sey ni Estareja sa isang press briefing kaninang 5 a.m.
Ang mata ng bagyo ay huling namataan sa layong 550 kilometers hilaga ng Itbayat, Batanes.
Baka Bet Mo: Pamilya, kaanak ng BINI members nabiktima rin ng bagyong Kristine
Ang taglay nitong lakas na hangin ay 100 kilometers per hour malapit sa gitna at bugsong aabot sa 140 kilometers per hour.
Kumikilos ito sa bilis na 20 kilometers per hour papunta sa hilaga.
Bukod diyan, nabanggit din ng weather bureau na magkakaroon ng isa hanggang dalawang bagyo para sa buwan ng Nobyembre.
“In terms of intensity, posible pa ring magkaroon ng mga Typhoon and Super Typhoon,” paliwanag ng weather specialist.
Sakaling pumasok ang dalawang bagyo, tatawagin itong “Marce” at “Nika.”
Ngayong November 1, asahan ang kalat-kalat na pag-ulan dahil sa “trough” o buntot ng bagyong Leon sa Zambales, Bataan, Occidental Mindoro, at Palawan.
Mararanasan naman ang isolated rains sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms.
The post PAGASA: Patuloy ang ‘improved’ weather; 1 o 2 bagyo aasahan sa Nobyembre appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments