Susan Roces: Talagang ganyan ang buhay, tanging Diyos lang ang nakakaalam ng lahat…
IKINAGULAT ng buong entertainment industry ang biglaang pagpanaw ng Queen of Philippine Movies na si Susan Roces.
Bumuhos ang mensahe ng pakikiramay at pagpupugay sa itinuturing na showbiz icon sa bansa mula sa mga celebrities at iba pang personalidad kasabay ng pag-aalay ng dasal para sa kaluluwa ng namayapang aktres.
Siguradong isa sa mga umiiyak at nagluluksa ngayon ay ang Kapamilya Teleserye King na si Coco Martin na gumaganap na Cardo Dalisay sa seryeng “Ang Probinsyano” ng ABS-CBN.
Si Susan Roces ang gumaganap na lola ni Coco sa nasabing serye na anim na taon nang umeere sa ABS-CBN. Mula noong magsimula ang serye noong 2015 hanggang ngayong 2022 ay bahagi pa rin ang veteran actress ng serye ni Coco.
Ito ang dahilan kung bakit naging number one trending topic din sa social media ang karakter niyang Lola Flora sa “Ang Probinsyano” kagabi hanggang ngayong araw.
Pansamantala lamang na nawala si Lola Flora sa serye noong kasagsagan nvg COVID-19 pandemic dahil sa ipinatupad na safety protocols sa bansa kung saan nalimitahan nga ang paglabas at pagtatrabaho ng mga senior citizens sa labas.
View this post on Instagram
Ngunit sa kabila nito, nagawan pa pa rin ng paraan ng produksyon na makalabas muli si Susan Roces sa “Ang Probinsyano” noong kalagitnaan ng 2021.
At sa New Year’s episode nga ng action-drama series ng ABS-CBN, ipinalabas ang pagdarasal ni Lola Flora para sa lahat ng pumanaw nilang mga kapamilya pati na rin ang kaligtasan nilang lahat.
Dito, hiniling din ni Lola Flora na sana’y magkita at magkasama na sila uli ni Cardo.
“Diyos ko, magkaroon na sana ng katahimikan ang buhay namin pagpasok ng bagong taong ito,” ang bahagi ng dialogue ni Lola Flora sa nasabing episode.
“Maiba sana ang aming kapalaran at patuloy nang mapaglabanan ng aking apo ang mga pagsubok, para makauwi na sila at muli kaming magkasama-sama,” aniya pa.
Aniya pa patungkol sa mga nasawi nilang mga kasamahan sa kuwento ng serye, “Nakakalungkot isipin, mga miyembro ng pamilya natin na nawala na sa atin.
“Sa isang banda, nandiyan lang sila, nakamasid, pinanonood tayo. Kapag nakikita nilang lumuluha tayo’t nalulungkot, lumuluha din sila at nalulungkot. Kapag nakita naman nilang masaya tayo, nagiging masaya sila.
“Talagang ganyan ang buhay — tanging Diyos lang ang nakakaalam,” mensahe pa niya.
Ngayong pumanaw na nga ang premyadong aktres, siguradong aabangan ng madlang pipol kung paano babaguhin ng produksyon ang kuwento ng “Probinsyano”, partikular na ang wish ni Lola Flora na muli silang magkasama ni Cardo.
Kung matatandaan, noong September, 2021 nagbahagi pa ng mensahe si Susan Roces para sa 6th anniversary ng “Probinsyano” kung saan nabanggit nga niya na magsisilbi na itong legacy ng kanyang asawang Action King Fernando Poe, Jr..
“Sa loob ng anim na taon, masaya akong naging parte ako ng pamilyang ito. Maraming, maraming salamat sa pagtangkilik ninyo, sa pagtulong ninyo, sa pagmamahal ninyo. Pinagbuklod tayong lahat bilang isang pamilya, sa isip, sa puso at sa gawa,” pahayag pa ni Miss Susan Roces.
Habang sinusulat namin ito ay wala pang pahayag si Coco hinggil sa pagpanaw ng kanyang Lola Flora.
Susan Roces pumanaw na sa edad 80, buong showbiz industry nagluluksa
Susan Roces 80 na today; ‘School at Home’ ng Knowledge Channel wagi sa CSR Guild Awards
Vice nagpasalamat sa Diyos sa pagdating ni Ion: Ang bait Mo binigyan Mo ako ng ganito…
The post Susan Roces: Talagang ganyan ang buhay, tanging Diyos lang ang nakakaalam ng lahat… appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments